Wednesday, January 27, 2010

aklasan ni amado hernandez


I

Nangatigil
ang gawain
sa bukirin.

Nagpapahinga
ang makina
sa pabrika.

Natiwangwang
ang daunga’t
pamilihan.

At sa madla
ay nagbanta
ang dalita.

Nangalupaypay
ang puhunan
at kalakal.

Nangasara
ang lahat na…
Welga! Welga!

Bawa’t sipag,
bawa’t lakas
ay umaklas.

Diwang dungo’t
ulong yuko’y
itinayo.

Ang maliit
na ginahis
ay nagtindig.

Pagka’t bakit
di kakain
ang nagtanim?

Ang naglitson
ng malutong,
patay-gutom.

Ang nagbihis
sa makisig
walang damit.

Ang yumari
ng salapi’y
nanghihingi.



Ang gumawa
ng dambana’y
hampas-lupa.

Ang bumungkal
niyang yaman,
nangungutang.


II

Bakit? Bakit
laging lupig
ang matuwid?

Di nasunod
pati Dios
na nag-utos.

Di tinupad,
binaligtad
pati batas.

Ah, kawawa
ang paggawa
at ang dukha.

Laging huli,
laging api,
laging bigti!

Ang aklasa’y
di tagumpay,
kung sa bagay.

Nalilibid
ng panganib,
dusa’t sakit.

Pagka’t ito
ay simbuyong
sumusubo.

Pagka’t ningas
na nagliyab
at sumikab.

Pagbabangon
ng ginutom
at inulol.

Himagsikan
ng nilinlang
at pinatay.

Buong sumpa,
poot, luha,
ng paggawa.

Katapusan
ng kasama’t
pangangamkam.


At sa wakas,
bagong batas,
bagong palad!


III

Nguni’t habang may pasunod
Na ang tao’y parang hayop,
Samantalang may pasahod
Na naki’y isang limos,
Habang yaong lalong subsob
At patay sa paglilingkod
Ay siyang laging dayukdok,
Habang pagpapabusabos
Ang magpaupa ng pagod,
Habang daming nanananghod
Sa pagkaing nabubulok
Ng masakin at maramot,
Habang laging namimintog
Sa labis na pagkabusog
Ang hindi nagpawis halos,
At habang may walang takot
Sa lipunan at Diyos,
At may batas na baluktot
Na sa ila’y tagakupkop,
Ang aklasan ay sisipot
At magsasabog ng poot,
Ang aklasa’y walang lagot,
Unos, apoy, kidlat, kulog,
Mag-uusig, manghahamok
Na parang talim ng gulok,
Hihingi ng pagtutuos
Hanggang lubusang matampok,
Kilalani’t mabantayog
Ang katwirang inaayop,
Hanggang ganap na matubos
Ang Paggawang bagong Hesus
Na ipinako sa kurus.



20 comments:

  1. poide mag hingi kahit kunting explanation nito ?

    ReplyDelete
  2. walang English version ito,...right?

    ReplyDelete
  3. nice thanks a lot. It helps me on my project in my class. Thank you very much.

    ReplyDelete
  4. naalala ko to sa Filipino subject, sabayang bigkas, linggo ng wika nung highschool.. more or less 12 years ago.. :)

    ReplyDelete
  5. ganda naman ng piece na ito pang reality

    ReplyDelete
  6. makikibasa lang ako,.

    ReplyDelete
  7. ito ay tumatalakay sa karapatan ng mga mangagawa na dapat bigyan ng karampatang sahod ,tulad na lng ng mga kargador mahirap na gawain ngnuit maliit lng ang kita nila ,,

    ReplyDelete
  8. nice my ass. na ko!

    ReplyDelete
  9. tip nga para pag gagamitin ito sa sabayang pagbigkas<, thanks

    ReplyDelete
  10. ..ang ganda ng nito tunay n makatotohanan...sna lng tamaan ung mga taong walang awa gayundin ung mga taong hinahamak ang mga mahihirap.

    ReplyDelete
  11. nkaka tindig balahibow??? super ganda na appreciate koh!!!! blng isang pilipino!!!!!^_^

    ReplyDelete
  12. matatalim hagang gamit d2 txt back asap.

    ReplyDelete
  13. T_T sayang wala english version... @_@ assignment ko sa literaure

    ReplyDelete
  14. Baka naman may Makita akong pagsusuri tungkol dito

    ReplyDelete
  15. Ano ang kahulugan ng tulang ito?

    ReplyDelete
  16. Ano po ang Kariktan ng tulang ito???

    ReplyDelete
  17. "Di tinupad, binaliktad pati batas." Ano po ba ang kahulugan nito?

    ReplyDelete